Tiniyak ng gobyerno ang walang patid na pagbibigay ng tulong at pag-invest para sa climate-smart technology upang maging matatag ang bansa at masiguro ang food security sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Kaugnay nito, pinag-utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagpapatuloy ng cash transfers at food imports kasabay ng pagtugon ng pamahalaan sa bumibilis na inflation.
Nangako din ang pamahalaan ng patuloy na suporta para sa mga magsasaka at iba pang stakeholders sa agricultural sector sa post-disaster recovery habang nananatiling prayoridad ang pag-improve pa ng value chain at pag-invest sa climate-smart technologies.
Para sa medium-term strategy, inatasan na ng Pangulo ang concerned agencies para mag-invest sa innovations, teknolohiya at sistema para manatiling matatag ang ekonomiya ng bansa para makabawi sa malaking nawala dahil sa mga bagyo at iba pang kalamidad.
Una rito, base sa ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang acceleration ng inflation rate ng bansa mula a 6.9% noong Setyembre ay patuloy na bumilis pa sa 7.7% noong Oktubre na pinakamataas sa loob ng nakalipas na 14 na taon na iniuugnay dahil sa global financial crisis.