Tiniyak ni House Appropriations Committee Chair at AKO BICOL party-list Rep. Elizaldy Co na bibigyang prayoridad ng Marcos Jr. administration na mabigyan ng dagdag na pondo ang mga concerned agencies para palakasin pa ang monitoring at pagbabantay sa teritoryo ng bansa partikular sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa panayam kay Rep. Co, kaniyang binigyang-diin na posibleng confidential at intelligence funds ang gagamitin kaya tumanggi itong idetalye, bagkus hindi siniguro nito na hindi ma zero at may pondo na ilalaan ang gobyerno.
Inihayag din ng Appropriations panel chair na batay sa atas ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez na tiyaking may sapat na confidential at intelligence fund ang mga ahensya na nakatututok sa pagbabantay sa territorial waters ng bansa gaya ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Bureau fo Fisheries and Aquatic Resources.
Pagtiyak pa ng mambabatas na desidido ang Marcos Jr. administration na walang teritoryo ng bansa ang aangkinin.
Nagiging agresibo ngayon ang China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Phil. Sea kung saan ang panibagong insidente ay ang paglalagay ng floating barriers nito sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Ang paglalagay ng China Coast Guard ng floating barrier sa Bajo de Masinloc ay para pigilan ang mga mangingisdang Pinoy na makapangisda sa lugar.