-- Advertisements --

Gagawin ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang mapanatili ang mga serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin ipinaliwanag na ni Finance Secretary Ralph Recto na maraming resources ang PhilHealth na maaari nitong gamitin sa pagpapalago ng benepisyo para sa ating mga kababayan. 

Sinabi kasi ni Recto na maganda ang financial standing ng ahensya dahil mayroon itong P280 billion na reserve, P150 billion surplus, at higit P400 billion na investments kaya’t hindi aniya ito kakapusin ng pondo. 

Sabi pa ng finance chief, tututukan dito ang benefit package para sa 10 illnesses. 

Samantala, ipinunto naman ni ES Bersamin na walang dapat ipag-alala ang publiko dahil ang ehekutibo aniya ay maingat at mabusisi sa paggamit ng mga resources ng pamahalaan.

Una ng inihayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na kanila pang palalawakin ang mga serbisyo ng Philhealth.

Siniguro din ng Punong Ehekutibo na kahit walang budget ang Philhealth ay may sapat itong kakayahan ipagpatuloy ang kanilang serbisyo para sa taong bayan.