Iginiit ng Department of Justice na hanggang sa ngayon ay wala pa rin natatanggap na extradition request ang gobyerno ng Pilipinas mula sa Estados Unidos para kay KOJC leader Apollo Quiboloy.
Ayon kay Justice Spox. Asec. Atty. Mico Clavano, maging ang kanilang tanggapan ay wala pang natatanggap na request mula sa Department of Foreign Affairs.
Ginawa ni Clavano ang pahayag kasunod ng naging ulat na naglabas na ng kautusan si Central District of California Judge Terry Hatter Jr. na buksan muli ang warrant of arrest laban sa religion leader.
Si Quiboloy ay iniulat na may kinakaharap na kaso sa California kabilang na ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy at cash smuggling.
Batay sa report, ang muling pagbubukas sa warrant of arrest laban kay Quiboloy ay magbubunga ng extradition dahil si Quiboloy ay nasa Pilipinas.
Tumanggi naman si Clavano na magkomento kung ano ang mangyayari kay Quiboloy sakaling maghian ng extradition request ang Estados Unidos.