Pinasinungalingan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paniniwala ni dating Congressman Arnolfo Teves na may banta sa kaniyang buhay kaya nagtatago ito sa ibang bansa.
Sa ambush interview sa Bacolod City, sinabi ni Pangulong Marcos na wala namang natatanggap na ulat ang pamahalaan na may banta sa buhay ni Teves kaya’t walang dahilan para matakot itong umuwi ng bansa.
Giit pa ng Pangulo, na si Teves lamang ang natatakot para sa sarili nito.
Muli namang tiniyak ni Pangulong Marcos kay Teves na magiging patas ang proseso ng gagawing paglilitis sa Korte.
Kung maalala dalawang beses nang humiling ng political asylum si Teves sa Timor Leste, matapos magtago doon dahil sa kinasasangkutang kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.