-- Advertisements --

Na-kompromiso ng isang data breach ang GoFiber app ng internet service provider na Converge ICT Solutions Inc.

Sa isang statement, sinabi ni Converge data protection officer Laurice Tuason na ang Gofiber app ng kumpanya ay tinamaan ng data breach kung saan nakompromiso ang personal information ng ilan sa mga customer nito.

Paliwanag ng opisyal, sinubukan umano ng mga unauthorized third parties na tignan ang ilang partikular na account details ng ilan sa kanilang subscribers.

Ngunit nilinaw naman nito na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang katibayan ng anumang personal identifiable information na nagsasabing nagamit na sa iligal o mali ang naturang mga impormasyon.

Bilang hakbang ay sinabi ng Converge na nagtatag na ng higher level of improvement ang kumpanya.

Sa kasalukuyan ay tinitignan na ng National Privacy Commission (NPC) ang data breach na ito na iniulat ng Converge noong Marso 4.

Humingi naman ng paumanhin sa mga apektadong customer ang pamunuan ng Converge at nangako na magpapatuloy ito sa paggamit ng pinakamakabagong security measures upang pangalagaan ang network at system nito.

Pinayuhan din nito ang lahat ng kanilang customer na tiyaking nagagawa ng mga ito ang mga tamang hakbang para sa ligtas na pagla-log in sa kanilang application.