Hanggang ngayon ay nabibitin pa rin ang awarding ng gold medal sa Russian figure skating team matapos na magpositibo sa ipinagbabawal na droga ang isa sa anim na miyembro ng koponan na lumahok sa nagpapatuloy na Winter Games sa Beijing China.
Ang iskandalo ay ikinagulat ng mga sumusubaybay sa Olimpiyada lalo na at lumutang na ang teenage skating sensation na si Kamila Valieva ang nag-positive sa banned drug na Trimetazidine o TMZ na ginagamit umano sa mga pasyente na dumaranas ng angina.
Ito ay ipinagbawal na ng World Anti-Doping Agency (WADA) mula pa noong taong 2014.
Ang droga na ininom umano ng teenager na ay na-detect bago pa man dumating ng Beijing ang mga atleta o noong Disyembre pa.
Giit naman ng ilang Russian official, wala umanong doping na nangyari dahil ang samples ng droga ay walang impact sa performance ng dalagita.
Pero ayon naman sa posisyon ng World Anti-Doping Agency ang TMZ ay nagpapaganda sa performance lalo na sa mga endurance sports, nagpapalakas din daw ito ng daloy ng dugo sa puso at nililimita ang bilis ng daloy ng blood pressures.
Ang 15-anyos na si Valieva, ang kinikila ngayon sa kasaysayan na unang babaeng atleta na nagawa ang tinatawag na quadruple jump sa isang Olympic competition.
Ito ang paglukso sa ere na sinabayan ng apat na beses na pag-ikot hanggang sa perpekto ang landing sa skating rink.
Tulad noong nakaraang taon sa Tokyo Olympics ang mga Russian athletes ay sumasabak ngayon sa Winter Games hindi gamit ang pangalang Russia, iba rin ang bandila at national anthem at sa halip ay sa ilalim ng pangalang ROC bilang parusa sa naganap din na doping scandal ilang taon na ang nakakalipas.
Sa nabanggit namang kompetisyon kung saan gold medal ang ROC, nakuha naman ng United States ang silver, habang nasungkit ang bronze medal ng Japan at Canada ang pang-apat.
Sa ngayon ang paliwanag ng International Olympic Committee (IOC) spokesman Mark Adams, patuloy pa ang ginagawa nilang “legal consultation” bago ituloy ang medals ceremony.