BAGUIO CITY – Pinaka-hindi malilimutang panalo ngayong taon ng ONE Championship atomweight star na si Gina Iniong ang pagkamit niya ng gold medal sa 55kg female kicklight category ng kickboxing sa 2019 South East Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng Team Lakay fighter na ito ang unang pagkakataon na sumabak siya sa kickboxing gayundin sa isang amateur event at sa SEA Games pa kung saan nag-debut sa biennial event ang kickboxing.
Dinomina ni Iniong ang tatlong rounds na laban nila ni Apichaya Mingkhwan ng Thailand sa iskor na 3-0.
Pinagpapasalamat din niya ang pagiging supportive ng kanyang asawa kung saan naipagpaliban ang honeymoon ng bagong kasal para mabigyang daan ang pagsasanay ni Iniongsa SEA Games.
Pumayag aniya ang kanyang asawa na sumabak siya sa SEA Games sa kondisyong kailangang masungkit ang ginto at ito ang isa sa naging inspirasyon niya na ipanalo ang kanyang mga laban.
Sinabi pa ng 30-year-old Igorota mix martial artists na nagbunga ang hirap, pagod at sakripisyo nila sa pagsasanay at paghahanda dahil nasuklian ng magandang resulta.
Dinagdag niya na hindi naging mahirap ang kanyang adjustment sa kickboxing mula sa professional mixed martial arts dahil nagsimula ito sa wushu, kahit mas nakatutok ang naging training nila sa striking.
Gayunman, nakaramdam din si Iniong ng kaunting pressure matapos inasahan ng karamihan na mapapanalunan nila ng mga kasama niya sa Team Lakay ang gold medals sa kani-kanilang kategorya.
Napag-alamang isang linggo matapos ang kasal ni Iniong ay bumalik ito sa pagsasanay para sa kanyang kickboxing stint sa biennial games. Nakapasok ito sa Philippine National Kickboxing Team matapos makapasa sa mga tryouts nang malamang nangangailangan ang team ng experienced martial artist na maging kinatawan ng bansa sa 2019 SEA Games.
Samantala, nakatakda itong lumaban sa fight card ng ONE Championship sa January 31, 2020.
Kung maaalala, parehong naka-gold medals sa kani-kaniyang kategorya sa kickboxing sina Jean Claude Saclag at ONE Warrior Series veteran Jerry Olsim na parehong kasamahan ni Iniong sa Team Lakay.