BAGUIO CITY – Pinaka-memorable na panalo ngayong taon ni ONE Championship atomweight star Gina Iniong ang pagkamit niya ng gold medal sa 55kg female kicklight category ng kickboxing sa 2019 SEA Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng Team Lakay fighter na ito ang unang pagkakataon na sumabak siya sa kickboxing at sa isang amateur event at sa SEA Games pa kung saan nag-debut ngayong biennial event ang kickboxing.
Dinomina ni Iniong ang tatlong rounds na laban nila ni Apichaya Mingkhwan ng Thailand sa iskor na 3-0.
Pinagpapasalamat din niya sa pagiging supportive ng kanyang asawa kung saan naipagpaliban ang honeymoon ng bagong kasal para mabigyang daan ang pagsasanay ni Iniong para sa SEA Games.
Pumayag aniya ang kanyang asawa na sumabak siya sa SEA Games sa kondisyong kailangang mapanalonan niya ang gold medal at ito ang isa sa naging inspirasyon niya na ipanalo ang kanyang mga laban.
Sinabi ng 30-anyos Igorota mix martial artists a nagbunga ang hirap, pagod at sakripisyo nila sa pagsasanay at paghahanda kung saan nasuklian ng magandang resulta.
Dinagdag niya na hindi naging mahirap ang kanyang adjustment sa kickboxing mula sa professional MMA dahil nagsimula ito sa wushu bagaman mas nakatutok ang naging training nila sa striking.
Nakaramdam din si Iniong ng kaunting pressure matapos inasahan ng karamihan na mapapanalonan nila ng mga kasama niya sa Team Lakay ang gold medals sa kani-kanilang kategorya.
Napag-alamang isang linggo matapos ang kasal ni Iniong ay bumalik ito sa pagsasanay para sa kanyang kickboxing stint sa biennial games kung saan nakapasok ito sa Philippine National Kickboxing Team matapos makapasa sa mga tryouts nang malamang nangangailangan ang team ng experienced martial artist na maging kinatawan ng bansa sa 2019 SEA Games.
Samantala, nakatakda itong lumaban sa fight card ng ONE Championship sa January 31, 2020.
Maaalalang parehong naka-gold medals sa kani-kaniyang kategorya sa kickboxing sina Jean Claude Saclag at ONE Warrior Series veteran Jerry Olsim na parehong kasamahan ni Iniong sa Team Lakay.