Hindi pa rin maawat ang patuloy na pamamayagpag ng world champion na si Carlos “Caloy” Edriel Yulo sa gymnastics makaraang masungkit niya ang ika-limang gold medal sa nagpapatuloy na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ang panibagong napanalunan ni Yulo na ika-limang gold medal ay sa Gymnastics Men’s High Bar event.
Nakuha rin ni Caloy nitong araw ang ika-4 na gold medal nang matagumpay niyang madepensahan ang Gymnastics Men’s Vault Final na may score na 14.700.
Nito namang nakalipas na wekend, dinomina rin ni Yulo ang Artistic-Men’s Still Rings.
Gayundin ang kanyang paboritong floor exercises para makuha ang 15.200 score para sa gold.
Una na ring nasungkit ni Yulo ang gold medal sa all-around events.
Liban sa limang gold medals, napanalunan din niya ang silver medal sa Gymnastics Men’s Parallel Bars competition.
Habang sa team event ay pinangunahan niya ang kampanya ng mga Pinoy para sa silver medal finish.
Kung maalala si Yulo, 22, ang tanging Filipino artistic gymnast na nakapag-uwi na para sa bansa ng multiple medals sa World Artistic Gymnastics Championships. Siya rin ang unang Pinoy at unang male Southeast Asian gymnast na nanalo sa World Artistic Gymnastics Championships sa kanyang floor exercise bronze medal finish noong taong 2018.
Habang noong 2019 naman siya ang unang naka-gold medal para sa Pilipinas sa natura ring apparatus sa world championship.
Ang nakakabilib niyang performance ay nagbigay daan sa kanya upang sumabak sa 2020 Summer Olympics sa Tokyo, Japan.