-- Advertisements --

Mistulang tinapos na ng Golden Boy Promotions ang mga usap-usapang maghaharap umano sa boxing ring sina Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao at WBC lightweight interim champion Ryan Garcia.

Ayon kay Golden Boy Promotions president Eric Gomez, hindi raw matutupad ang “dream fight” ni Garcia dahil wala naman daw pag-uusapan sa naturang posibilidad.

“There’s nothing to talk about there. They contacted us, but it turns out there’s nothing to talk about. That fight isn’t going to happen,” wika ni Gomez.

Noong nakalipas na linggo nang nabulabog ang mga boxing fans sa palutang ng 22-anyos na si Garcia sa social media na si Pacquiao umano ang makakatunggali nito sa kanyang next fight.

Hanggang ngayon ay tikom naman ang panig ng Fighting Senator hinggil dito.

Kung maaalala, nais ni Pacquiao na magtuos sila ni MMA star Conor McGregor ngunit tila umalat na ang posibilidad nang matalo ang Irish fighter sa UFC 257 noong Enero 24.

Huli namang tumapak sa ring si Pacquiao noon pang 2019 nang magapi nito si Keith Thurman sa pamamagitan ng split decision para maagaw ang WBA world welterweight title.

Kamakailan nang bawiin kay Pacquiao ang naturang titulo dahil bigo ang eight-division champion na madepensahan ito sa mahabang panahon.