JAPAN – Pabalik na ng Pilipinas si Hidilyn Diaz matapos ang matagumpay na kampanya sa Tokyo Olympics dala ang gold medal sa nilahukan na weightlifting competitions.
Sa ulat ni Bombo Samurai correspondent Myles Briones-Beltran mula sa Narita International Airport sa Japan, maliit lamang daw ang entourage ni Diaz kung saan kasama rin pabalik ang presidente ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas na si Monico Puentevella.
Ayon sa report ni Briones, pagdating ng Narita International Airport ay pinasalubungan pa ng bouquet of flowers si Diaz mula sa Philippine Airlines (PAL).
Sa panayam ng Bombo Radyo, muli itong nagbigay mensahe sa mga kababayan na sana ay ‘wag mawalan ng pag-asa sa buhay.
Gayundin ang kanyang mga plano na makatulong at doon sa mga kapwa atleta upang marating din ang kanyang naabot sa buhay.
“I’m always open in giving back to the community especially to the Filipino athletes. Its always in my heart,” ani Diaz sa Bombo Radyo.
Inaasahang bago mag-alas-6:00 ng gabi ay lalapag sa NAIA ang sinakyang PAL flight nina Diaz.
Kasama rin sa naturang flight ang skateboarding sensation na si Margielyn Didal na bagamat natalo sa kanyang debut event ay umagaw nang atensiyon sa iba’t ibang dako ng mundo.
Samantala, “toast of the town” ngayon si Hidilyn dahil siya ang naging daan upang matuldukan na rin ang pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa Olimpiyada na inabot na rin ng halos 100 taon.
Mula pa kasi noong taong 1924 ay lumalahok na ang Pilipinas sa Olympics pero kailanman ay hindi pa napanalunan ang gold medal.
Sa pagbalik ni Hidilyn sa bansa, tiyak na ang kabi-kabilang hero’s welcome sa kanya at ang nag-aantay na mahigit sa P35 million cash na incentives, meron ding house and lot, condo unit at iba pa.