Matapos dumanas ng pagkatalo sa kamay ng Houston Rockets, gumawa ang Golden State Warriors ng statement win at tinambakan ang Phoenix Suns ng 38 big points.
Mistulang ibinaling ng Warriors ang ganti sa Phoenix at agad na pinaabot sa 26 points ang kalamangan sa pagtatapos ng unang kalahating bahagi ng laro, 43 – 69.
Walang nagawa ang Suns kungdi panoorin ang episyenteng performance ng Warriors na tuloy-tuloy na nagbuhos ng field goals, gamit ang 50% overall shooting percentage(50%).
Gumanti si NBA star Stephen Curry at nagbuhos ng 25 points at pitong rebounds sa loob lamang ng 26 mins na paglalaro. Ang performance ng tinaguriang ‘greatest shooter’ ay kasunod na rin ng iisang field goal na naipasok niya sa naging laban ng Rockets ang Golden State kamakailan.
Muli ring gumawa ng 22-point performance si Golden State sophomore guard Brandin Podziemski.
Sa pagkatalo ng Suns, nalimitahan lamang sa pitong puntos ang guard na si Bradley Beal, habang 21 points naman ang naipasok ng shooter na si Devin Booker.
Dahil sa panalo, bumalik ang Golden State sa ika-limang pwesto, hawak ang 47-32 win-loss record. Ang huling tatlong koponan na nakahanay na makakalaban ng GS ay ang San Antonio Spurs, Portland Trailblazers at Los Angeles Clippers.
May pagkakataon namang makapasok ang Suns sa Play-In Tournament kung magagawa nitong maipanalo ang susunod na tatlong laro at tuluyang maungusan ang Dallas Mavericks na nasa ika-sampung pwesto.
Gayonpaman, kung hindi ito magagawa ng Suns ay mawawala na ang tyansa nitong makapasok sa 2025 playoffs.