Ikinampanya ni Golden State Warriors head coach Steve Kerr ang tandem nina US Vice Pres. Kamala Harris at Gov. Tim Walz para sa 2024 US Presidential Elections.
Sumentro ang mensahe ni Kerr sa aniya’y natatanging leadership skills ng dalawang kandidato, katangian na dapat aniyang mangibabaw sa pagpili sa nalalapit na halalan.
Hindi rin napigilan ng batikang NBA coach na ipasok ang konsepto ng leadership sa sports sa pagpili ng mga susunod na lider ng US.
Ayon kay Kerr, kung ano ang nakita nilang commitment, pakikiisa at kasiyahan mula sa pamahalaan ng US sa nakalipas na Olympics, iyon din ang kinakatawan ng tandem nina Kamala at Walz.
Samantala, pinili naman ni Democratic vice presidential candidate Tim Walz na gumamit ng Sports analogy sa kanyang naging mensahe sa day 3 ng Democratic National Convention.
Inihalimbawa ni Walz ang isang laro na nasa crunch time ng 4th quarter kung saan lamang ang kalaban. Nasa tamang team aniya ang Democrats kung saan kayang-kaya ni harris na maipanalo o mapagtagumpayan ang opensa o isang field goal.
Si Walz ay dating nagsilbi bilang football coach sa loob ng mahabang panahon.