Tatangkaing tapusin na ng Golden State Warriors ang serye sa Game 6 sa darating na Biyernes, makaraang mamayani kanina laban sa Boston Celtics sa Game 5 sa score na 104-94 para umabanse pa sa serye sa 3-2 sa NBA Finals.
Ang Game 6 ay doon naman gaganapin sa homecourt ng Boston na magsisimula ng alas-9:00 ng umaga.
Una rito nameligro pa sa laro ang Warriors matapos na mahabol ng Boston pagsapit ng third quarter.
Mula sa first quarter at second quarter ay hawak ng Warriors ang kalamangan hanggang sa pero nagdoble kayod ang Celtics para makuha ang third quarter.
Ngunit pagsapit ng fourth quarter hindi na hinayaan pa ng Warriors na makuha ang renda para mapreserba ang panalo sa harap ng mahigit 18,000 fans na pumuno sa Chase Center Arena sa San Francisco, California.
Ang panalo ng Warriors ay sa kabila na inalat sa three points shot ang NBA superstar na si Stephen Curry na meron lamang 16 points.
Ang all-time three point king na si Curry sa pagkakataong ito ay nabokya sa siyam na pagtatangka sa three point area.
Naputol tuloy ang 132 straight postseason games ni Curry na may kahit isang three point shot, kasama na ang kanyang NBA-best run na 233 consecutive games na may three sa pagitan ng regular season at playoffs na combine.
Sa kabila nito, kumayod ng husto ang mga teammates na sina Andrew Wiggins na may 26 points at si Klay Thompson na nagtala naman ng 21 points kabilang na ang limang three point shots.
Sa panig ng Boston nasayang ang ginawa ni Jason Tatum na kumamada ng 27 points, 10 rebounds at four assists. Nagposte rin siya ng limang 5-of-9 sa three point area.
Si Marcus Smart ay nag-ambag naman ng 20 points at si Jalen Brown ay nagtapos sa 18 puntos.
Batay sa NBA history sinuman ang team na nanalo sa Game 5, kadalasan daw ang siyang nagkakampeon o nasa 73% ang record chances.
Kung sakali namang manalo ang Celtics sa kanilang homecourt, babalik na naman sila sa Bay Area para sa winner-take-all sa Game 7 o araw ng Lunes (PH time).