-- Advertisements --

Pasok na sa 2025 Playoffs ang Golden State Warriors matapos pabagsakin ang Memphis Grizzlies sa pagtutuos ng dalawa sa unang Play-In Tournament sa western conference.

Pinangunahan nina Jimmy Butler at Stephen Curry ang panalo ng Golden State na kumamada ng pinasamang score na 75 points – 38 ang ipinasok ni Butler habang 37 kay Curry.

Naging maganda rin ang depensang ipinakita ng dalawang Warriors star kung saan sa kabuuan ng laban ay kumamada si Butler ng 7 rebounds at tatlong steals habang walong rebounds at isang steal naman ang ambag ni Curry.

Hindi naging madali ang panalo ng Warriors, dahil sa pilit na paghabol ng Memphis sa kabila ng 20-point lead ng GS sa kalagitnaan ng laban. Nagawa pa ng Memphis na maungusan ang GS, 8 mins bago tuluyang matapos ang matchup, 101 – 100.

Gayonpaman, hindi na nagpabaya ang Warriors at binantayan ang Memphis sa mga sumundo na minuto. Nagawa ng koponan na limitahan lamang ang Memphis sa 16 points sa sumunod na 8 mins habang 21 points ang ibinagsak nito sa kalaban.

Kasama sa huling 21 points ng GSW ang apat na free throw ni Stephen Curry sa huling limang segundo ng laban, daan upang ibulsa ng koponan ang 5-point lead sa pagtatapos ng matchup, 121 – 116.

Hindi umubra ang 30 points ni Desmond Bane at 22 points mula kay Ja Morant, kasama ang dominanteng 2nd half performance ng Grizzlies.

Dahil sa panalo, hawak na ng GS ang ikapitong pwesto sa western conference at makakaharap ang Houston Rockets sa unang round ng Playoffs.

Makakalaban naman ng Grizzlies ang mananalo sa pagitan ng Dallas Mavericks at Sacramento Kings. Ang mananalo dito ang uusad sa ika-walong pwesto sa west at kukumpleto sa playoff picture.