Naipanalo ng Golden State Warriors ang una nitong laro ngayong season matapos tambakan ang Portland Trailblazers ng 35 points, 139-104.
Gumawa si NBA superstar Stephen Curry ng 17 points, 10 assists, 9 rebound performance habang 20 points naman ang kontribusyon ni Andrew Wiggins.
Ang bagong bench ng koponan na si Buddy Hield ang mistulang naging susi sa episyenteng opensa ng koponan matapos siyang kumamada ng 22 points sa loob lamang ng 15 mins. na paglalaro.
Binuhat naman ng bench na si Scoot Henderson ang Blazers sa kaniyang 22 point performance habang 10 points, 11 rebounds ang ginawa ng bigman na si Deandre Ayton.
Ang 35 points na margin sa pagitan ng dalawang koponan ay ang pinakamalaking margin na nagawa ng Warriors sa mga opening game nito sa buong kasaysayan ng koponan.
Sa opening game, nagawa ng Warriors na magpasok ng shots gamit ang 51.6%. Nagpasok rin ang koponan ng 20 3-pointers sa kabuuan ng laro.
Sa depensa, dominado ng GSW ang buong laban matapos itong umagaw ng 58 rebounds sa kabuuan ng laro. Kumamada rin ito ng 12 steals, daan upang pahirapan ang Blazers sa kabuuan ng laban.
Sunod na makakalaban ng Warriors ang Utah Jazz sa Oct. 26 habang ang New Orleans Pelicans naman ang nakatakdang harapin ng Blazers sa kaparehong araw (oras sa Pilipinas).