-- Advertisements --

Balik na sa ika-anim na pwesto ang Golden State Warriors matapos tambakan ng 42 big points ang San Antonio Spurs, 148 – 106.

Muling gumamit ang Warriors ng fast-paced offense at hindi nakasabay ang San Antonio mula sa unang quarter hanggang sa tuluyang matapos ang laban. Sa 1st quarter kasi ay agad gumawa ng 44 points ang GS at tinambakan ang kalaban ng 17 points, 44 – 27.

Umabot pa ang kalamangan sa 24 points sa pagtatapos ng 2nd quarter hanggang sa tuluyang lumubo ito sa 38 points pagkatapos ng 3rd quarter.

Nilimitahan na rin ang paglalaro ng mga starter ng GS pagsapit ng 3rd at 4th quarter at ipinasok na ang mga bench player upang tuluyang tapusin ang laban.

Sa loob ng 27 mins ay nagawa ni Warriors guard Brandin Podziemski na kumamada ng 27 points habang 20 points naman ang ambag ng small forward na si Moses Moody sa loob ng 25 mins na kaniyang paglalaro.

Lahat ng mga player ng Golden State ay pawang nagbulsa ng kani-kanilang score, at nagawa ng koponan na panatilihin ang 58% na overall shooting percentage. Sa kabuuang 56 shots na naipasok ng team, 21 dito ay pawang mga 3-pointer.

Sa San Antonio, nasayang ang 19 points na ipinasok ng bench na si Keldon Johnson. Sa naturang laban, nalimitahan lamang sa 6 points ang point guard na si Chris Paul, kasama ang isang rebound at apat na assists.

Dahil sa panalo, tuluyang umusad ang GS sa western conference standing at hawak na nito ang ika-anim na pwesto, tangan ang 43 wins at 31 loss.

Ito naman ang ika-43 na pagkatalo ng San Antonio ngayong season at nasa ika-13 na pwesto sa west.