-- Advertisements --

Muling kinilalang world champions ang Golden State Warriors matapos na tapusin ang best-of-seven series ng NBA Finals sa 4-2 record.

Makasaysayan ang ginawa ng Warriors nang makuha ang panalo sa Game 6 doon mismo sa homecourt ng Boston sa score na 103-90 sa harap ng mahigit sa 19,000 fans.

Ito na ang ikaapat na korona ng Warriors sa nakalipas na walong NBA seasons na huling nangyari sa panahon pa ni Michael Jordan ng Chicago Bulls noon pang dekada nubenta.

Sa laro kanina, agad na umabanse ang Warriors sa first at second quarters.

Pagsapit ng 3rd quarter tinangkang bumawi ng Boston at pinilit na dumikit sa score hanggang sa unang bahagi ng 4th quarter.

Pero hindi na hinayaan ng Warriors sa pangunguna ni NBA superstar Stephen Curry na ma-extend pa ang serye nang magtala ng 32 points.

Minalas naman ang Celtics na inalat ang kanilang All-Star na si Jason Tatum na meron lamang kakarampot na 13 points.

Ang highest scorer sa Boston ay si Jalen Brown na may 34 points.

Nagpadagdag pa sa pagkadismaya ng Boston ay ang maagang malagay sila sa foul trouble at maraming nasayang na bola bunsod ng turnovers.

Samantala, napili naman bilang 2022 NBA Finals Bill Russell MVP si Steph Curry. Bago ito dati na ring two time NBA MVP si Curry.