WASHINGTON – Iginawad ni US President Donald Trump kay golf icon Tiger Woods ang Presidental Medal of Freedom, na pinakamataas na civilian honor ng bansa nitong Lunes (Martes, Manila time) sa White House Rose Garden.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Trump si Woods na tinawag pa nitong “global symbol of American excellence.”
Inilahad din ni Trump ang naging mga tagumpay ni Woods, maging ang mga natamo nitong injury na muntikan nang magpatigil sa kanyang karera sa golf.
“This evening, we are in the presence of a true legend, an extraordinary athlete who has transformed golf and achieved new levels of dominance,” wika ni Trump. “He’s also a great person. He’s a great guy.”
Bagama’t dinomina ni Woods ang sports sa mahigit isang dekada, nakamit niya ang kanyang unang major sa loob ng halos 11 taon sa Master’s Tournament nitong nakaraang buwan.
Naging emosyonal naman si Woods sa kanyang talumpati kung saan binanggit niya ang kanyang mga magulang.
Nagpasalamat din ito sa lahat ng mga sumuporta sa kanya nitong mga nagdaang panahon.
“You’ve seen the good and bad, the highs and lows, and I would not be in this position without all of your help,” ani Woods.
Si Woods ang ikaapat na golfer na tumanggap ng nasabing parangal, at pinakabata rin sa mga ito.
Nauna nang binigyan ng naturang pagkilala sina Nicklaus at Arnold Palmer noong panahon ni dating Pangulong George W. Bush; at si Charlie Sifford naman noong termino ni dating Pangulong Barack Obama.
Ang Presidential Medal of Freedom ay ibinibigay sa mga indibidwal na gumawa ng “especially meritorious contributions to the security or national interests of the United States, to world peace, or to cultural or other significant public or private endeavors,” batay sa White House.