Kapwa pasok sa weight limit ang mahigpit na magkaribal na sina Kazakh boxer Gennady Golovkin at Sergiy Derevyanchenko upang paglabanan bukas ang bakanteng International Boxing Federation middleweight title.
Gagawin ang giyera ng dalawa sa pamosong Madison Square Garden sa New York, araw ng Linggo sa Pilipinas.
Tumimbang si Golovkin, 37, sa New York State Athletic Commissions scale sa 159¼ pounds, na pasok sa middleweight limit na 160 pounds, gayundin si Derevyanchenko, 33, na opisyal na may bigat na 159 libra.
Una nang tiniyak ng trainer ni Golovkin na si Jonathon Banks na malaki ang kanyang tiwala na kaya pa raw makipagsabayan ng kanyang alaga sa ibabaw ng lona.
“I would consider his age a factor if this were 1995 through 1998,” wika ni Banks.
Sinabi naman ni Golovkin na mistulang nabuhayan daw ito sa pagtuturo ni Banks lalo pa’t target nitong masuot muli ang belt na una nitong napanalunan noong 2015 pero naagaw ni Canelo Alvarez. Ang naturang korona ay binitawan din sa huli ng Mexican star.
Samantala, sa panig naman ni Derevyanchenko, naniniwala itong kaya niyang ma-upset si Golovkin upang maitakbo ang belt, at para na rin palabuin pa ang tsansa ng muling pagtutuos nina Golovkin at Alvarez sa susunod na taon.
“I don’t care that I’m underdog,” ani Derevyanchenko. “When I’m in the ring, it’s just me and GGG.