Sinimulan na ng kampo ni Sergiy Derevyanchenko ang negosasyon kay dating unified titlist Gennadiy Golovkin para sa bakanteng International Boxing Federation (IBF) middleweight title.
Ipinag-utos na kasi ng IBF si Derevyanchenko na harapin si Golovkin matapos na bawiin nila kay Canelo Alvarez ang nasabing boxing belt.
Ayon kay IBF spokesperson Jeanette Salazar, mayroon daw 30 araw o hanggang Setyembre 5 (Manila time) ang magkabilang panig upang bumuo ng kasunduan.
Sakaling wala umanong mabuong deal ang dalawang grupo, ipag-uutos ng IBF ang isang purse bid hearing para sa boxing fight.
Sinabi naman ng promoter ni Derevyancheko na si Lou DiBella, hindi na raw kinakailangan pa ang purse bid dahil sa inaasahan na raw nila ang kautusang ito ng IBF.
Nilinaw din ng IBF na kung sinuman ang umokupa sa bakanteng titulo ay bibigyan ng anim na buwan upang depensahan ang kanyang belt sa highest-ranked contender na maaari nitong harapin.