-- Advertisements --

Handa na umano si Kazakh knockout artist Gennady Golobkin na makipagnegosasyon sa kampo ni Mexican star Saul “Canelo” Alvarez para sa ikatlong beses nilang pagtutuos sa ibabaw ng boxing ring.

Ayon kay Golovkin, balak umano nitong simulan ang diskusyon ukol sa trilogy fight matapos ang laban nila ng Canadian boxer na si Steve Rolls sa susunod na weekend.

Inaasahan din ng 37-year-old former champion na sakaling matuloy ay magiging matindi ang bakbakan nila ni Canelo.

Pero giit ni Golovkin, titiyakin daw nito na kanya nang makakamit ang panalo kapag nabigyan ng pagkakataon.

Unang nagtuos ang dalawa noong 2017 kung saan nauwi sa draw ang resulta ng sagupaan.

Nang muli naman silang magtuos noong Setyembre 2018, nagapi ito ni Alvarez sa pamamagitan ng majority decision.