Umabot ng higit labing isang oras at dalawamput-anim na minuto ang itinagal ng isinagawang prusisyon ng Poong Hesus Nazareno ngayong Biyernes Santo.
Sinimulan kagabi na ilabas ang naturang andas o pagsisimula ng Good Friday Procession ng 11:15 PM, Huwebes Santo hanggang 10:45 ng umaga, Abril 18.
Tinataya namang umabot ng higit kumulang 532,000 na mga deboto na nanggaling sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas ang dumalo sa naturang pagtitipon.
Sa inihayag na ulat ni Rev. Fr. Ramon Jade Licuanan, Parish Priest ng Minor Basilika at Pambansang Dambana ng Poong Hesus Nazareno, wala naman raw naitalang insidente kaugnay ng Peace and Order, Safety at Security ng prusisyon.
Ngunit sa kabila nito, mayroong 9 ang dinala sa mga ospital ng Department of Health sa Maynila mula sa 1,152 nakilahok na nangailangan ng atensyong medikal.
Base sa kanilang isinapublikong pahayag, 3 ito ang nasa malubhang kalagayan.
Gayunpaman, nagpapasalamat naman ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo sa iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan, volunteers, at mga deboto na nakiisa at kasama sa pagpapanatili na gawing banal, maayos at ligtas ang pagdiriwang ng Semana Santa.