Binigyang-diin ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr ang kahalagahan ng magandang information drive para ipabatid sa publiko ang tungkol sa COVID-19 vaccination drive.
Pahayag ito ni Galvez kasunod ng resulta ng isang survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpapakita na anim sa bawat 10 Pilipino ang bukas na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Galvez sa isang panayam, kanilang gagamitin ang mekanismo ng mga local government units at ang platform ng mga pribadong korporasyon upang maipabatid sa mga tao ang paksa.
Maliban dito, sinabi rin ni Galvez, na tumatayo ring chief implementer ng COVID-19 response ng pamahalaan, na marami-rami nang mga LGU ang naghayag ng kanilang intensyon na maging prayoridad sa vaccination.
Paglalahad pa ng kalihim, target ng pamahalaan na makakuha ng supply deals ng COVID-19 vaccine mula sa mga manufacturers sa China, United Kingdom at sa Estados Unidos ngayong buwan.
Aniya, binabalak din ng Pilipinas na bumili ng inisyal na 50-milyong doses ng COVID-19 vaccines para sa nasa 25-milyong Pilipino para sa susunod na taon.
Magiging prayoridad aniya sa bakuna ang mga mahihirap, security forces, government frontline workers at healthcare workers.
Muli ring inihayag ni Galvez na may bakunang dinevelop ng Russia ang posibleng maging accessible na sa unang quarter ng 2021.