-- Advertisements --
fuel

Makakahinga ng maluwag ang mga motorista sa susunod na linggo dahil malaki ang posibilidad na magpapatupad ang mga kompaniya ng langis ng big-time rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ayon sa Department of Energy (DOE).

Ito ay matapos ang tatlong linggong magkakasunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Base sa oil trading sa nakalipas na apat na araw mula Enero 30 hanggang Pebrero 2, ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring mabawasan ng P2.40 hanggang P2.70.

Samantala, ang presyo ng gasolina ay maaaring bumaba naman sa PP1.90 hanggang P2.20 kada litro.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing araw ng Lunes na ipapatupad naman sa araw ng Martes.

Ayon sa Department of Energy, ang inaasahang rollback ay bunsod ng pangamba sa global recession at mas mababang demand sa fuel na sinabayan pa ng mas mataas na imbentaryo ng langis sa Amerika.