-- Advertisements --
sahod

Asahan ang mas mataas na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at mga kasambahay sa Cagayan Valley, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN sa mga susunod na araw ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ito ay matapos na pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage order na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa nabanggit na rehiyon.

Sa Cagayan valley, nasa P30 ang dagdag sahod sa minimum wage na mahahati sa dalawang tranche. Ang magiging minimum wag rates na ay P450 para sa non-agriculture workers habang P430 naman para sa agriculture workers. Sa mga kasambahay naman, madaragdagan ng P500 kayat tataas ang kanilang buwanang sahod sa P5,500.

Sa Central Luzon naman, P40 ang magiging dagdag kayat ang bagong wage rate ay nasa P493 – P500 para sa mga manggagawa sa non-agriculture establishments, P454 – P470 para sa mga manggagawa sa agriculture sector, at P475 – P489 para sa retail and service workers sa mga probinsiya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales. Sa probinsiya naman ng Aurora ay P449 para sa non-agriculture, P422 to P434 para sa agriculture, at P384 para sa retail and service workers.

Samantala sa Soccsksargen naman, nasa P35 ang dagdag sahod para sa manggagawa sa non-agriculture, agriculture, and service o retail establishments. Habang sa mga kasambahay naman, may taas sahod na P500 kayat ang buwanang sahod ng mga ito ay magiging P5,000 sa mga lungsod at first-class municipalities, at P4,500 sa ibang mga bayan sa rehiyon.

Inaasahan ayon sa DOLE na nasa kabuuang 682,117 na minimum wage earners mula sa Regions II, III, at XII ang mabebenipisyuhan mula sa inaprubahang dagdag sahod.

Gayundin nasa 1.5 million full-time wage at salary workers na sumasahod ng minimum wage ay maaaring magbenepisyo bilang resulta ng upward adjustments sa enterprise level bunsod ng pagsasaayos ng wage distortion.

Inisyu ng naturang wage order para sa dagdag sahod noong Setyembre 30 at magiging epektibo matapos ang 15 araw o sa Oktubre 16 ng kasalukuyang taon.