Pormal nang inanunsiyo ngayon ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang tuluyang pagreretiro sa pagboboksing, ilang linggo makalipas ang kanyang anunsiyo na pagtakbo bilang pangulo sa 2022 presidential elections.
“It is difficult for me to accept that my time as boxer is over. Today, I am announcing my retirement.”
Ginawa ni Pacman ang anunsiyo sa 14 minuto na prepared video produced na unang idinaan sa kanyang social media account na Facebook.
Halatang emosyunal ang fighting senator sa kanyang pamamaalam sa boxing na nagbigay sa kanya nang pagkakataon upang maiahon ang mahirap na buhay hanggang sa magluklok sa kanya bilang isang sikat na personalidad na siyang tanging eight division world champion.
Sa naturang anunsiyo binalikan ni Manny ang kanyang kabataan noong panahong pangarap pa lamang niyang maging boksingero.
Marami rin itong mga pangalan na inisa isa na naging bahagi ng kanyang career sa nakalipas na apat na dekada hanggang sa marating ang kanyang kinalalagyan ngayon.
Inamin din ng pambansang kamao na hindi niya akalain na darating ang panahon na mamaalam siya sa pagboboksing.
“I never thought this day would come. As I hang up my boxing gloves, I would like to thank the whole world, especially the Filipino people, for supporting Manny Pacquiao,” pahayag pa ni Pacquiao na pinipigilan ang sarili na tuluyang maluha.
Naikwento rin ni Pacquiao na halos hindi rin siya makapaniwala sa kanyang nagawa sa pagboboksing kabilang na ang pinakamatanda sa edad na 42-anyos na naging welterweight champion.
Nasungkit din ang 12 major titles sa walong dibisyon sa boxing.
“As I hang up my boxing gloves, I would like to thank the world, especially the Filipino people for supporting Manny Pacquiao. Goodbye, boxing,” ani Pacquiao. “I will never forget what I have done and accomplished in my life. I just heard the final bell, I am done with boxing.”
Kung maalala ang naging huling laban ni Pacman ay noong August 22 kung saan tinalo siya via unanimous decision ng Cuban champion na si Yordenis Ugas sa Las Vegas.
Samantala sa pagtatapos ng career ni Pacquiao hawak niya ang 62-8-2 win-loss-draw record.