Humina pa ang bagyong Jenny matapos itong mag landfall sa Timog na bahagi ng Taiwan at tuluyan na rin itong lumabas sa Philippine Area of Responsibility kaninang hapon.
Bagamat nasa labas na ito ng teritoryo ng ating bansa ay malawak naman ang kaulapang dala nito na patuloy pa ring magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon partikular na sa may bahagi ng Northern Luzon.
Sa labas ng Philippine Area of Responsibility region ay patuloy itong kikilos pa kanluran patungo sa Taiwan Strait at coastal waters ng southeastern China bago ito tuluyang hihina.
Patuloy namang pinalalakas ng naturang sama ng panahon ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat na nagiging sanhi naman ng mga paminsang-minsang pag-ulan sa western portion ng Luzon.
Sa ngayon ay wala pa tayong namamataang panibagong LPA sa loob at labas ng PAR.
Batay sa data ng Bombo Weather Center, huling namataan ang sentro o mata ng bagyong Jenny sa layong 275 km West Northwest ng Itbayat, Batanes sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Taglay na lamang nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 140 km/h malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 170km/h.
Inaasahang kikilos ang naturang sama ng panahon pa kanluran sa bilis na 15km/h.
Sa kasalukuyan, Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 na lamang ang nakataas sa northern portion ng probinsya ng Batanes.
Signal No. 1 naman ang nakabandera sa nalalabing bahagi ng Batanes, Babuyan Islands, Northern portion ng Apayao, northwestern portion ng Cagayan at northwestern portion ng Ilocos Norte.
Makararanas naman ng maulap na kalangitan at paminsan-minsang pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Ilocos Region dahil sa extension ng bagyong Jenny.
Parehong panahon rin ang iiral dito sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA dahil naman sa hanging habagat.
Magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang nalalabing bahagi ng bansa dahil sa habagat at localized thunderstorm.
Dahil sa mga pag-ulan ay posible pa rin ang mga senaryo ng pagbaha at pagguho ng lupa kayat mas makabubuti na lagi tayong maging handa.