Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkilala ng Google Maps na ang Pilipinas ang may hurisdiksyon sa West Philippine Sea (WPS) at patunay umano na lumalawak ang pandaigdigang suporta sa posisyon ito sa gitna ng agresibong aksyon ng China.
Ayon kay Speaker Romualdez isang magandang balita para sa mga Pilipino ang proper at consistent labeling para sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Speaker na hudyat din ito na kinikilala na ng buong mundo ang sovereign rights ng Pilipinas sa maritime areas nito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ipinunto ni Romualdez ang hakbang na ito ay isang malaking suporta sa matagal nang paninindigan ng Pilipinas sa isyu alinsunod sa Arbitral Ruling noong 2016 na kinilala ang legal na karapatan ng bansa sa ilalim ng international law.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang pagkilalang ito ay hindi lamang teknikal o kartograpikong pagwawasto kundi isang makasaysayang tagumpay sa larangan ng geopolitics.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ito ay sumasalamin sa damdamin ng milyun-milyong Pilipino na matatag na ipinaglalaban ang soberanya at dangal ng bansa.
Kinilala rin ng Speaker ang mga diplomatikong pagsusumikap ng bansa, at binigyang-diin na ang mapayapang paggiit sa karapatan sa pamamagitan ng pandaigdigang batas ay patuloy na nagbubunga ng positibong resulta.
Ipinahayag din niya ang pag-asa na ang ibang institusyon at bansa ay susunod sa naging hakbang ng naturang platform upang umayon sa pandaigdigang batas.
Muling binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagtatanggol ng soberanya ng Pilipinas.