Sinuspinde muna ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa issue ng good conduct time allowance (GCTA) at kontrobersya sa Bureau of Corrections (BuCor).
Pero ayon sa chairman ng komite na si Sen. Richard Gordon, handa siyang magpuyat ngayong gabi para lang marinig ang salaysay ng mga witnesses ukol sa kontrobersya.
Nagbigay daan ang komite sa hiwalay na hearing ng Blue Ribbon Committee tungkol sa issue ng PhilHealth pero agad daw itong tatapusin ni Gordon na siya ring chairman ng komite.
“There are certain incidents that we’re reviewing are of a highly urgent nature and I’d like to say that we’d have to apologize to all of you. Pending the resolution of those issues, we’re going to suspend the hearing now.”
Dumating na sa Senado si dating BuCor director general Nicanor Faeldon kasama ang abogadong si Atty. Jose Dino pasado alas-2:30 ng hapon kanina.
Ito ay sa kabila ng unang balita na hindi na ito dadalo sa mga susunod pang hearing.
Ayon kay Atty. Dino, alas-3:00 ng hapon ang kanilang schedule na pagdating dito sa Senado, gayundin na wala siyang ipinadalang advisory sa hindi pagsipot ni Faeldon.
Nitong araw nang magisa ang mga opisyal ng BuCor dahil sa umano’y minadaling proseso ng pagpapalaya sa ilang convicted criminals noong nakaraang buwan.
Lalo na’t kabilang sa mga nakalaya ang tatlong convicted murderer at rapist ng 1997 Chiong sisters case sa Cebu.
Sa gitna naman hearing pinuna ni dating Solicitor General Estelito Mendoza ang aniya’y maling interpretasyon ng BuCor sa paggawad ng GCTA sa mga pinalayang preso.
Iginiit ni Mendoza na nakadepende sa sintensya ng inmate ang pag-grant ng GCTA.
“You must look at the prison sentence before considering any good conduct time allowance,” ani Mendoza.
“Only those attaining the minimum sentence are entitle to parole and GCTA.”
Sa ngayon nasa loob muna ng isang holding area si Faeldon at iba pang resource person mula sa Volunteers Against Crime and Corruption habang hinihintay na matapos ang hearing ng Blue Ribbon Committee.