-- Advertisements --

Lumagda na umano ng malaking kontrata si All-Star forward Gordon Hayward sa Charlotte Hornets.

Batay sa ulat, tatagal ang nasabing monster deal ng apat na taon at nagkakahalaga umano ng $120-million.

Una rito, nakuha rin ng Hornets ang No. 3 overall pick sa NBA draft ngayong taon ang point guard na si LaMelo Ball.

Noong nakalipas na season, nagtala lamang ng 23-42 record ang Charlotte, at hindi rin nakapaglaro sa playoffs ng ikaapat na sunod na taon.

Sa kanyang 10-taong career suot ang uniporme ng Utah Jazz at Boston Celtics, naglista si Hayward ng average na 15.3 points, 4.4 rebounds at 3.5 assists.

Kamakailan nang hindi tanggapin ni Hayward ang $34.2-million player option para maglaro uli sa Boston sa ikaapat na season.

Ilang teams din ang naghayag ng interes na kunin si Hayward, kasama na ang kanyang home state na Indiana Pacers, bago selyuhan ng Charlotte ang kasunduan.