CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi umano titigilan ng kampo ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Richard Gordon ang pagkalap ng mga ebidensiya laban kay PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde.
Ito’y kahit tapos na ang pagdinig ng Senado patungkol sa mga ninja cops na nasasangkot umano sa pag-recycle ng shabu.
Sinabi ni Gordon sa panayam ng Bombo Radyo, na tuloy-tuloy ang kanilang paghahanap ng mga ebidensiya upang malinawan ang taongbayan sa totoong koneksiyon ni Albayalde sa mga tiwaling pulis.
Partikular na tinukoy ni Gordon ang sinasabing pagkakasangkot ng PNP chief sa 13 pulis na siyang nagsagawa ng anti-illegal drug operation laban sa suspected Chinese drug lord na si Johnson Lee sa Pampanga noong taong 2013.
Dagdag ng senador, hindi nila hinahatulan ng guilty si Albayalde subalit mayroon umanong “inconsistences” sa kanyang mga pahayag sa pagdinig ng Senado.