ILOILO CITY – Kinwestyon ni Antique Governor Rhodora Cadiao kung bakit isinailalim ng national Inter-Agency Task Force sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod at probinsya ng Iloilo kung ang dahilan ay ang Delta variant ng Coronavirus Disease na natuklasan sa Pandan, Antique.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Gov. Cadiao, sinabi nito na noong Mayo pa naitala sa kanilang probinsya ang dalawang Delta variant sa mag-asawa kung saan namatay ang babae at nakarekober ang mister.
Ayon kay Cadiao, hindi naman nakapunta sa Iloilo ang dalawang indbidwal kaya huwag na sanang buksan pa ang nasabing kaso dahil nagbibigay lang ito ng takot sa publiko.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na ang dahilan ng pagsasailalim sa ECQ ng Iloilo City at Iloio Province ay dahil sa na-detect na delta variants sa Antique.
Nabatid na ang Antique ay nasa ilalim lamang ng general community quarantine.