-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Tutol si Cotabato Governor Nancy Catamco sa pakikialam ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ancestral domain claims ng mga katutubo sa probinsya ng Cotabato sa pamamagitan ng pagpapasailalim ng mga ito sa CLOA o Certificate of Land Ownership.

Ito ang inihayag ni Catamco sa isinagawang Exploratory Discussions on Ancestral Domain Areas Development Intervention sa tanggapan ng Gobernador kung saan nilinaw nito na maliban sa sertipikong pag-aari ng lupa, inaalisan ng CLOA ng karapatan ang mga IPs na mapreserba ang kanilang kultura para maisalin sa susunod na henerasyon.

Sinabi ni Catamco na batay sa Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o IPRA Law kailangang igalang ng kahit anong ahensya ng gobyerno ang karapatan ng mga katutubo kalakip na dito ang pamumuhay ng tahimik sa kanilang pag-aaring lupa o ancestral domain na sumasalamin sa kanilang mayamang kultura at paniniwala.

Bilang isang lumad at bagong gobernadora ng probinsya handa umano si Catamco na tulungan ang mga kapwa niya IP’s na umangat ang pamumuhay sa pamamagitan ng angkop na livelihood programs and interventions upang higit pang maprotektahan ang kanilang pamayanan.

Pinaalalahanan din ni Catamco ang pamunuan ng National Commission on Indigenous People o NCIP sa probinsya ng Cotabato na maging mapanuri at maagap sa pag-gabay sa mga katutubo upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga ito.

Iniutos naman kaagad ng gobernadora ang pag-imbentaryo ng lahat ng mga lupaing sakop ng ancestral domain claims ng IPs sa probinsya upang mahanap ang akmang proyekto na maaring ipatupad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan o alyansa sa mga mamumuhunan.

Ang nasabing Exploratory Discussions on Ancestral Domain Areas Development Intervention Meeting ay dinaluhan ng mga representante ng Department of Agrarian Reform o DAR, National Commission on Indigenous People (NCIP), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Office of Provincial Agriculturist (OPA).