LEGAZPI CITY – Pinatututukan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang kaso ng pagkamatay ng 23-anyos na criminology student na si Omer Despabiladeras matapos umanong sumailalim sa initiation rites ng Tau Gamma Fraternity sa lalawigan.
Una nang inihayag ng Bulan Municipal Police Station na nakitaan ng matinding pagdurugo ang dalawang binti at ilan pang organs ni Despabiladeras mula sa malakas at makailang ulit na paghampas ng matigas na bagay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, provincial information officer ng Sorsogon, kinondena ni Chiz ang insidente habang inatasan na si Sorsogon PNP provincial director Col. Roque Bausa na maiging tutukan ang kaso.
Pinatitiyak umano ng gobernador na “airtight” ang kaso laban sa higit 10 kataong sangkot na pinaghahanap pa sa kasalukuyan.
Dalawa sa mga kasapi ng fraternity ang kinustodiya ng mga otoridad na nagdala sa mga biktima sa pagamutan subalit pinayagang makalabas kaninang alas-6:00 nang umaga.
Bukod kay Despabiladeras, lumapit rin aniya ang magulang ng isa pang biktima na kinilalang si Alfredo Gonia at hiling ang hustisya sa sinapit ng anak.
Hindi naman nawawalan ng pag-asa ang pulisya sa inaasahang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law laban sa mga suspek.