BUTUAN CITY – Inabswelto ng Sandiganbayan si Agusan del Norte Governor Dale Corvera sa dalawang kasong kriminal na kanyang kinakaharap noong siya pa ang mayor ng Cabadbaran City.
Ito’y may kaugnayan sa mga kasong malversation of public funds at paglabag sa Republic Act 3019 o mas kilalang Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay sa alegasyong illegal reimbursement sa kanyang mga personal na gastos.
Nag-ugat ito sa umano’y pag-abuso sa kanyang posisyon dahil sa paggamit sa pondo ng bayan matapos umanong maka-claim ng kabuuang P362,145 reimbursements sa perang kanyang ginamit sa mga biyahe kasama ang kanyang asawa noong Mayo 5, 2011 hangang Hunyo 26, 2014.
Kabilang na rito ang kanyang nagastos daw sa pagdalo sa activity ng Boy Scout of the Philippines sa Maynila, kasama na ang kanilang pagkain, hotel accommodation, bayad sa eroplano at iba pang mga travel expenses sa Cebu City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng gobernador na patunay lamang ito na inosente siya sa mga alegasyon ng kanyang mga kalaban sa politika.