-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Bumalik muli sa operasyon ang Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa Ilagan City matapos ang tatlong araw na pansamantalang pagsasara nito sa publiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Health Officer Dr. Nelson Paguirigan,sinabi niya na nagawa na umanong mai-isolate ang mga nakasalamuha ng pasyenteng nagpositibo sa virus.

Aniya na batay sa resulta ng swab test na isinagawa sa mga direct contact ng pasyente ay nagpositibo ang isang Admin-staff ng Isabela Provincial Health Office.

Ayon pa kay Dr.Paguirigan, nagkaroon na din umano ng malawakang disinfection sa buong pagamutan kayat ligtas na umano ito para sa muling pagtanggap nila ng mga pasyente.

Nilinaw din ng Provincial Health Officer na sa kasalukuyan ay wala umanong mga COVID-19 positive patient na naka-admit sa nasabing pagamutan bagkus ay idinadala umano ang mga ito sa mga LGU Community Isolation Unit o sa mga Covid 19 hospital sa rehiyon.

Kasabay ng pagbubukas ng pagamutan tiniyak ni Dr. Paguirigan sisiguruhin ng kanilang pamunuan na ligtas mula sa virus ang mga pasyenteng nagtutungo sa Out Patient Department sa pamamagitan ng paglilimita sa mga pasyente na pumapasok sa loob ng pagamutan gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocol.