-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinabulaanan ni Albay Governor Edcel Grex Lagman ang isyu ng umano’y pagpapabaya sa mga atletang Albayano na sumasabak ngayon sa Batang Pinoy National Championships na isinasagawa sa Ilocos Sur.

Una rito, naglabas ng hinanakit sa Bombo Radyo ang swimming team ng Albay upang humingi ng tulong para sa kanilang mga panggastos sa swimming competition dahil sa umano’y kakulangan ng suporta.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Governor Lagman, binigyang diin nito na hindi siya nagkulang sa suporta sa swimming team kung saan personal niya pa umanong binigyan ito ng P10,000 noong nakaraang buwan nung siya ay Bise Gobernador pa lamang ng lalawigan.

Nagkataon lang na naging abala na dahil sa naging transition sa pagka-gobernador ng palitan nito ang nadiskwalipikang dating Albay Governor na si Noel Rosal.

Sa isyu naman sa kakulangan ng pasilidad, nakahanda naman ang Gobernador na ipagamit ang swimming pool sa Tabaco National High School o sa Bicol University.

Sa ngayon nakikipag-ugnayan si Governor Lagman sa swimming team upang maibigay ang mga hinihingi nitong tulong kabilang na ang panggastos pabalik sa Albay.