TUGUEGARAO CITY-Binigyan diin ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na dapat na maging totoo ang Department of National Defense kaugnay sa mga lugar na pagtatayuan ng apat na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites sa Northern Luzon malapit sa Taiwan Strait.
Reaksion ito ni Mamba sa pagtanggi ng DND sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs na isa ang Cagayan sa pagtatayuan ng EDCA site dahil sa kasalukuyan pa umano ang negosasyon.
Kasabay nito, iginiit ni Mamba na tutol siya sa pagkakaroon ng anomang foreign troops sa lalawigan dahil ayaw niyang makisawsaw sa isang gulo na hindi rin handa ang ating bansa at wala ring kinalaman ang lalawigan.
Ayon sa kanya, malaki ang maitutulong ng China sa kalakalan sa Cagayan kaya sa halip na makipag-away ay mas mainam na pag-usapan ang maritime dispute.
Sinabi pa ni Mamba na hindi pa siya kinokonsulta ukol sa nasabing plano.