LAOAG CITY – Naniniwala si Gov. Matthew Marcos Manotoc na kailangan na ng lalawigan ang pamamahagi ng mga contraceptives sa mga kabataan dahil sa pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy dito sa Ilocos Norte.
Batay aniya sa datos ng pamahalaang panlalawigan, 122 bagong kaso ng teenage pregnancy ang naitala ngayong taon kung saan nadagdagan ang mahigit 500 kabataan mula Enero hanggang Disyembre.
Kaugnay nito, kinukunsidera niya ang datos bilang isang krisis na nararanasan ng lalawigan.
Aniya, hindi lang ang mismong mga buntis ang apektado nito kundi maging ang kanilang mga pamilya, kamag-anak at partner nila.
Paliwanag niya, matagal na niyang sinusuportahan ang pamimigay ng contraceptives sa mga kabataan lalo na’t hindi lang teenage pregnancy ang malulutas kundi kasama na rin ang ligtas na kalusugang sekswal ng mga bata lalo na ang dumaraming kaso ng sexually transmitted disease tulad ng Human immunodeficiency virus.
Dagdag pa ng gobernador, alam niyang may mga komunidad na hindi sang-ayon sa kahilingang ito ngunit umaasa siyang darating ang araw na mauunawaan at tatanggapin ng publiko ang pamamaraang ito para maprotektahan ang mga mamamayan.