LA UNION- Nagdeklara ng “ceasefire” si La Union Governor Francisco Emmanuel “Pacoy” Ortega III sa katatapos na eleksiyon sa San Fernando City, La Union.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang ceremonial proclamation sa city people’s hall ng San Fernando, sinabi nito na tapos na ang eleksiyon at anuman ang naging resulta nito ay mahalagang tanggapin.
Ang pagdeklara ni Ortega ng ceasefire sa labanan sa pulitika ay simbolo aniya ng pagkakaisa para hindi magkawatak-watak ang mga tao sa siyudad at mapanatili ang kaayusan.
Hangad nito ang patuloy na pag-unlad ng siyudad sa pamamagitan ng magagandang mga programa at proyekto, sa ilalim pa rin ng pamumuno ni Mayor Dong Gualberto.
Hindi rin nakalimutan ni Gov. Ortega na pasalamatan ang kanyang mga supporters na umalalay at nagtaguyod sa kanyang kandidatura sa panahon ng kampanya hanggang sa natapos ang eleksiyon.
Maalala na natalo si Gov. Ortega sa laban nila ni incumbent Mayor Gualberto, sa pagka-alkalde sa siyudad, sa pamamagitan ng lamang na 838 votes.
Nakakuha si Gualberto ng kabuuang 33,284 votes habang 32,446 votes kay Ortega.
Ito na ang pangatlo at huling termino ni Gualberto bilang alkalde sa San Fernando City, La Union.