NAGA CITY – Tuloy pa rin ang laban ni Camarines Norte Governor Edgardo “Egay” Tallado sa gubernatorial race.
Ito’y matapos magtagumpay ang kampo nito na makakuha ng writ of Temporary Restraining Order (TRO) sa Supreme Court laban sa desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) en banc na pagkansela sa certificate of candidacy nito sa tinatakbuhang posisyon.
Una rito, nanindigan ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na pinal na ang desisyon ng COMELEC en banc at kailangang irespeto na lamang ng kampo ni Tallado.
Kinansela ng COMELEC 1st Division ang kandidatura ni Tallado matapos paboran ang petisyon na inihain ng VACC at ng isang alkalde sa naturang lalawigan.
Kinwestyon kasi ng grupo ang paghain pa ng kandidatura ng gobernador sa kabila ng pagsilbi na umano nito sa loob ng tatlong termino.
Depensa naman ng kampo ni Tallado, nang dahil sa magkakasunod na suspension at dismissal order na ipinataw laban dito, kung kaya hindi rin tuloy-tuloy ang pag-upo nito bilang “ama” ng lalawigan.