Nagbigay na ng commitmment ang iba’t-ibang government agencies sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magarbong Christmas Party.
Maalalang umapela si Marcos sa mga ahensiya ng pamahalaan na bawasan o iwasan ang magagarbong selebrasyon ng pasko bilang pakiki-simpatya sa mga naapektuhan ng magkakasunod na bagyo.
Ayon sa Malacañang, sa halip na sobra-sobrang selebrasyon ay mag-donate na lamang sa mga apektadong komunidad.
Ilang araw matapos ilabas ng pangulo ang panawagan, sunod-sunod na nangako ang mga kalihim at chief ng iba’t-ibang government agencies, tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd) at marami pang iba.
Sa panig ng Department of Transportation (DOTR), nangako ang ahensiya na sa halip na magarbong selebrasyon ay hinikayat na nito ang mga kawani na ilaan na lamang ang magagastos na pondo sa donation drive para sa mga biktima ng kalamidad.
Sa DepEd, inatasan na rin ni Education Secretary Sonny Angara ang mga pampublikong paaralan sa buong bansa na gawin lamang simple ang selebrasyon ng Pasko. Ayon sa kalihim, gamitin na lamang ang mga school savings kung mayroon man, bilang donasyon sa mga nasalanta ng bagyo.
Una nang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na milyon-milyong Pilipino ang natukoy na naapektuhan sa pananalasa ng magkakasunod na bagyo sa Pilipinas.
Ayon sa konseho, pinakamalala ay noong nanalasa ang bagyong Kristine kung saan halos sampung milyong katao ang naapektuhan at nag-iwan ng mahigit 150 kataong patay.