Patuloy pa rin ang pagbuhos ng pagbati kay Pinoy gymnast Carlos Yulo kasunod ng makasaysayang 2 gintong panalo sa nagpapatuloy na Paris Olympics.
Kanya-kanyang labas ng pagbati ang mga ahensiya ng pamahalaan na pumupuri sa magandang performance ng Pinoy pride.
Ilan sa mga ito ay National Security Council (NSC), National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), Embahada ng Pilipinas sa France, Philippine Olympic Committee, atbpa.
Laman ng pagbati ng NSA ay ang pagsasalarawan sa tagumpay ni Yulo bilang testamento sa katatagan, determinasyon, kagalingan, at kakayahan ng mga Pinoy sa mga pandaigdigang kompetisyon.
Ayon naman sa embahada ng Pilipinas na nakabase sa Paris, isang malaking karangalan na makita ang Pilipinong atleta na nagtataas sa bandila ng Pilipinas .
Pinuri rin ng embahada ang magkasunod na golden performance ni Yulo sa Olympics.
Maliban sa mga government agencies ay buhos din ang pagbati ng maraming mga local at government officials sa pangalawang Olympic gold medalist ng Pilipinas.
Ang mga naturang pagbati ay pawang naglalaman ng papuri sa magandang performance ni Yulo, dedikasyon at pagpapakahirap, at ang ginawa nitong pag-angat sa national pride.