Siniguro ni Government Corporate Counsel Solomon Hermosura na sapat ang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para gampanan ang mandato nito.
Ayon kay Hermosura, na nagsisilbi rin bilang counsel ng Philhealth, walang dapat ipangamba ang mga miyembro ng state health insurer ukol sa kasalukuyang financial status nito.
Pinawi rin nito ang pangamba ng publiko ukol sa unang napaulat na P1.150 trillion na liabilities ng Philhealth.
Aniya, ang naturang pondo ay hindi ‘statement of liability’ kungdi ‘provision for insurance contract liabilities’.
Paliwanag ng abugado, sa ilalim ng provision for liability, walang kasalukuyan o outstanding claims laban sa Philhealth. Hindi aniya ito actual na utang kungdi isang probisyon para sa future obligation ng Philhealth, batay sa actuarial estimates.
Ginawa ni Hermosura ang paliwanag sa ginawang oral argument ng Supreme Court ukol sa paglilipat sa P89.9 billion na pondo ng Philhealth sa national teasury.
Una nang kinukwestiyon ng iba’t-ibang health reform group ang kontrobersyal na paglilipat ng bilyon-bilyong pondo.