-- Advertisements --
CCAH DIPOLOG CITY

STAR DIPOLOG – Pansamantala munang hindi tatanggap ng pasyente ang Corazon C. Aquino Hospital (CCHA) matapos iutos ng lokal na pamahalaan ng Dipolog ang temporaryong pagsasara nito sa loob ng 21 araw.

Base sa nakapaloob sa Executive Order # 30 – 2020 na nilagdaan ni Dipolog City Mayor Darel Uy, sasailalim umano sa rotational 14 day quarantine ang lahat ng mga nurses at medical frontliners matapos magkaroon ng close contact sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) positive patient na makakaapekto naman sa kabuuang operasyon ng ospital.

Maliban dito ay magsasagawa rin ng agarang sanitation at disinfection sa nasabing pagamutan.

Samantala, mananatili naman ang mga pasyenteng kasalukuyang nakaadmit at patuloy na bibigyan ng medical attention.

Nabatid na ang nasabing ospital ang nangunguna sa pag tanggap ng mga suspected covid patients ngunit kasunod ng naitalang kaso ng community transmission sa lungsod dumami ang bilang ng mga nakaadmit na suspected cases kung saan dalawa sa kanila ay nakumpirmang nagpositibo sa corona virus disease.

Kinumpirma naman pamunuan ng Zamboanga del Norte Medical Center na kasalukuyan na silang nagsasagawa ng contingency plan kasunod ng pagsasara ng CCAH simula September 25 hanggang October 15, 2020.