KORONADAL CITY – Desididong paiimbestigahan ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang pagkakasangkot umano ng ilang officials sa nangyaring joyride sa buong rehiyon 12 na hindi man lamang sinita sa mga quarantine checkpoints.
Ito’y matapos pinag-usapan ang post ng gobernador sa kaniyang social media page na iilang opisyal ng pamahalaan ang sumali umano sa naturang biyahe, kabilang na diumano si 2nd District Representative at Deputy Speaker for Mindanao Ferdinand Hernandez.
Sa naturang post makikita ang pagbiyahe ng mga ito sa lungsod ng Koronadal, Tacurong, Cotabato; Lebak, Palimbang at Kalamansig sa Sultan Kudarat; Maitum at Kiamba sa Sarangani Province; General Santos City at pabalik sa Koronadal.
Ayon kay Tamayo, nais niya itong imbestigahan upang malaman kung totoo ang nasabing alegasyon dahil maituturing na insulto ito sa ibang mga provincial governors na nagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa covid-19 pandemic.
Sana umano ay inisip ng mga ito kung paano sila makakatulong upang hindi na dumagdag sa problema na kinakaharap ng pamahalaang panlalawigan.
Binalaan niya rin ang mga itong huwag siyang subukan, kasabay sa apela na makiisa ang lahat upang matapos na ang pandemiyang kinakaharap.