LEGAZPI CITY – Itinanggi ni Governor Grex Lagman ang mga alegasyon ng umano’y pagiging protektor ng jueteng sa lalawigan ng Albay.
Ngayong linggo ng magsampa ng patung-patong na reklamo sa Ombudsman ang nagpakilalang bagman ng jueteng na si Alwin Nimo laban kay Lagman na umano’y nakatanggap na ng halos P8 milyon na protection money mula sa mga gambling lords.
Kada linggo ay nakakatanggap umano ng P60,000 si Lagman noong siya ay bise gobernador pa lamang ng Albay sa loob ng tatlong taon mula Agosto 2019 hanggang Hunyo 2022.
Subalit sa ipinatawag na press briefing ng gobernador, binigyang diin nito na walang katotohanan ang mga nasabing alegasyon at pawang pamomolitika lamang lalo na ngayon na papalapit na naman ang eleksyon.
Ayon kay Lagman, bilang bise gobernador ng nasabing mga taon, wala naman siyang kapangyarihan na mabigyan ng proteksyon ang mga jueteng lords kung kaya imposible ang alegasyong ito.
Duda pa ng gobernador na nagkakampihan lamang ang mga kalaban sa politika na nais na pabagsakin ang pamilya matapos ang naging mga rebelasyon ng kanyang ama na si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman laban sa People’s Initiative.
Nanindigan rin si Lagman na haharapin at patutunayang walang katotohanan ang mga reklamo ng jueteng bagman na direct bribery, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at illegal gambling.