-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nanindigan si Albay Governor Noel Rosal na walang nilabag na spending ban kasunod ng ibinabang disqualification ng Commission on Election (COMELEC) first division.

Sa ipinatawag na press conference ng gobernador, binigyang linaw nito na regular na programa na ng lokal na gobyerno ang ginawang pamimigay ng tulong pinansyal sa mga tricycle drivers.

Ito ang inirereklamo ng petitioner na si Joseph Armogila dahil namigay pa rin umano ng cash assistance ang noo’y alkalde pa lamang ng Legazpi na si Rosal, kahit panahon na ng eleksyon.

Subalit ayon kay Rosal, agarang pangangailangan ng mga tricycle drivers na naapektohan ng pagtaas ng petrolyo at pandemya ang ibinigay na ayuda habang hindi naman ito ginamit sa pamumulitika.

Hindi naman inaalis ng gobernador ang posibilidad na may ibang politiko ang nakialam sa reklamo lalo’t naging mabilis ang pagpapalabas ng desisyon ng COMELEC.

Plano ng gobernador na magsampa ng Motion for reconsideration sa COMELEC en banc upang hingin ang pagbago ng ibinabang disqualification.